What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

What is showbiz is political at iba pang pagngalngal at pangangalkal

 

Nitong nakaraang virtual awards night ng 2020 Metro Manila Film Festival na may konting in-person attendance sa New Frontier Theater sa Cubao—limitado pa dahil sa banta ng COVID-19 pandemic kaya may mga health protocols pa tulad ng mask, face shield, pagpapahid o pagwiwisik ng disinfectant at physical distancing—inihalo ang video greetings ni Senator Christopher “Bong” Go sa live streaming. May comments spaces sa screen ng MMFF Facebook page live na puwedeng sulatan ng mga komentaryo o kung anu-anong saloobin ng isang netizen. Umusad ang pagpapalabas sa pamamagitan ng iba’t ibang bahagi sa pagmamaestro at maestro nina Marco Gumabao at Kylie Verzosa at mga eksena ng sampung opisyal na kalahok sa 46th MMFF tulad ng “Magikland,” “Isa Pang Bahaghari,” “The Missing,” “Coming Home,” “Fan Girl,” “The Boy Foretold by the Stars,” “Mang Kepweng.” “The Healing Priest Suarez,” “Pakboys” at “Tagpuan.”

            Nang umandar na ang talumpati ni Go, maraming nagkomento na bakit nando’n ang senador sa pagdiriwang na ‘yon. May sumulat pa nga na isang netizen ng katagang “punyeta” nang sa espayo ng comments section nang mapanood ang senador.

            Tandaan natin na ang MMFF ay proyekto ng gobyerno, ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at isa si Go sa mukha ng naghaharing-uri sa pulitika at ang kakabit nitong mukha ng sining at kultura. Katuwang ng MMFF ang showbiz, at sa partikular, ang Film Academy of the Philippines (FAP) na nilikha ng pamahalaan sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 640-A ni dating pangulong Ferdinand E. Marcos. Ang isa nga dapat sa beneficiary ng kita nito ay ang FAP pati na rin ang non-government organization (NGO) na Mowelfund (Movie Workers Welfare Foundation) na nilikha ng aktor at dating presidente ng Pilipinas na si Joseph Estrada. Dito pa lang, pulitikal at kultural na ang MMFF.

May sey na ang senador sa kaganapan ng MMFF dahil kung hindi nga nagka-pandemya, siya ang utak sa likod ng Summer MMFF na sana’y ginanap noong Abril noong isang taon.

At dahil ang social media kabilang ang online Facebook, Instagram, Twitter, YouTube at iba pa ay halos (o talagang) TV rin ang mekanismo, ang nakikita, naririnig, nararamdaman o kahit nalalasahan o naaamoy, halimbawa’y pag may komersyal o video na kumakain ng friend chicken  ang modelo o karakter ay maraming naglalaro sa isipan ng isang manonood base sa kanyang interpretasyon. Ang Live MMFF Facebook page ay nagpapamalas ng maraming senyales at mga simbolo. Tinatawag itong semiotics. Hindi lang basta si Go ang napapanood ng tao kundi ang lahat ng mga bagay na siya ay may koneksyon.

Kahit saan daaning argumento, hindi masama ang pulitika kaya nakapagtatakang masama ang tingin natin sa larangang ito. Katumbas din ito ng layunin ng ekonomiya, panlipunan, ispiritwal, kultura at iba pang napakaraming aspeto ng buhay.

Dahil ang pangkalahatang adhika ng pulitika ay ang kagalingan ng bawat indibidwal at ng mas higit na nakararaming tao sa isang lipunan. Samakatuwid, ang pulitika ay pagsukat sa magandang buhay gamit ang panukat sa kabutihan at di-kabutihan na isa ring komplikadong batayan.

Sinusukat lamang natin ang tunay na kahulugan ng pulitika kung ito ay nagsisilbi talaga ang kapakanan ng lahat lalo na sa mahihirap na siyang dapat nakakakuha ng mas maraming ganansiya ng pulitika pero ambon o wala pa sa dumi ng kuko ang natatanggap sa masalimuot na kaayusan ng lipunan.

Nang nagsisimula pa lang ako sa pagsusulat sa showbiz noong 1970s, madalas ko na ring marinig sa beterana at ngayon ay namayapa nang peryodistang pampelikula na si Ched P. Gonzales (kakontemporaryo nina Ethel Ramos, Alice Vergara, Ronald Constantino at iba pa) na huwag haluan ng pulitika ang showbiz, halimbawa’y ang pakikisalamuha nina Boy C. de Guia at Lino Brocka kina Lorenzo Tañada, Jose W. Diokno at iba pang pulitiko sa kuwentuhan o pagsama sa rally (lalo na ni Lino) o kaya naman ay pagsali sa medical at dental mission ng mga artista halimbawa’y kina Mayor Boy Asistio ng Caloocan City at Senador Arturo Tolentino. O nangangampanya noon sa eleksyon ang mga artista para sa Concon ni Presidente Ferdinand E. Marcos. Ilan lang ito sa mga hayagang pulitika na pakikisangkot ng showbiz pero mas malalim at malawak pa ang implikasyon nito o sa wikang Ingles ay “it more than meets the eye.”

Maliit at simpleng halimbawa lang ito ng hayagan at tahasang pulitika pero paano natin ipapaliwanag na pulitika rin ang pagsuporta noon pa ni Emilio Aguinaldo—kauna-unahang presidente ng republika—sa teatro nang wala pang plastic arts tulad ng pelikula? Si Andres Bonifacio, artista sa entablado habang lider-pulitikal ng Katipunan na siya ring namamalakad noon sa Pilipinas kasabay ng kolonyal na pamahalaan ng Espanya.

Si Manuel Luis Quezon, ang presidente ng Commonwealth ay nakialam sa showbiz sa pamamagitan ng pakikipagtalamitam sa mga artistang Filipino noon. Ang asawa niyang si Aurora Aragon ay prodyuser ng pelikula bilang kasosyo sa Salumbides Film Company Limited ni Vicente Salumbides, direktor, prodyuser, artista, manunulat, editor, tekniko, make-up artist atbp.

Sina Jose B. Laurel, Manuel Roxas, Sergio Osmeña, Elpidio Quirino at iba pa ay nakipagtalamitam din sa mga artista sa kanilang pamumunong pulitikal. Si Ramon Magsaysay, nagpupunta pa sa LVN Studios para makipagmiting at makisawsaw sa showbiz. Si Carlos P. Garcia, may nakalaan ding panahon sa showbiz. Si Diosdado Macapagal, isinapelikula pa ang “Daigdig ng mga Api” na pinagbidahan nina Barbara Perez at Robert Arevalo bilang kampanya sa kanyang land reform program at eleksyon na nagpanalo sa kanya. Si Marcos ay katalamitam ang Sampaguita Pictures at iba pang produksyon. Si Cory Aquino ay ina ni Kris Aquino at biyenang hilaw ni Phillip Salvador. Si Fidel Ramos ay nagkaroon ng anak na nag-showbiz, si Jo Ramos at naging asawa pa si Lloyd Samartino. Si Estrada ay hindi na ipagtataka pa ang partisipasyon sa daigdig ng aliw. Si Gloria Macapagal-Arroyo, kinopya ang dating at hitsura ni Nora Aunor para makuha ang simpatya ng publiko lalo na ng masa. Si Benigno C. Aquino III ay utol ni Kris at bayaw na hilaw ni Phillip. At si Rodrigo Duterte, ayan at si Bong ang kinatawan sa showbiz.

Marami pang koneksyon ang showbiz at pulitika at konti pa lang nga ang mga ugnayang ‘yan. Sa medaling salita, magkakarugtong ang lahat ng bagay sa buhay.

Sa diretsahang pulitika lang ‘yan.

Paano pa ang pulitikal pero hindi lang tungkol sa gobyerno kundi sa pangkalahatang buhay?

Buklatin ang ibig sabihin ng “pulitika” sa diksyunaryo at malinaw, hindi lang gobyerno o pamahalaan ang ibig sabihin nito. Mula sa “Merriam Webster’s Collegiate Dictionary Tenth Edition” na inilimbag noong 1995, ang dalawa sa kahulugan ng “politics” ay “political affairs or business; esp.: competition between competing interest groups or individuals for power and leadership (as in government)” at “the total complex of relations between people living in society.” Marami na rin ngang nagbibigay ng iba pang makabagong ibig sabihin ng “pulitika” sa iba’t ibang hanay ng mga disiplina at yunit ng lipunan.

Maliwanag na ang “pulitika” ay ugnayan din ng mga tao sa iba’t ibang uri, antas, motibo, sanligan, mithiin at napakarami pang ibang rikotikos. Ang “pamumulitika” ay hindi lang sa gobyerno kundi kahit na saang panig ng buhay kahit sa tahanan, simbahan, barkadahan, paaralan at iba pang institusyon batay sa kung ano ang ambisyon ng larangan ng pulitika.

Kung isasabuhay ang prinsipyong ito, ang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival bukod sa tambalan ito ng Cinemalaya Foundation, Inc.—isang NGO na pinamumunuan ng negosyanteng si Tony Boy Cojuangco at ng filmmaker at alagad ng sining na si Laurice Guillen—at ng pampublikong ahensiya ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ay pulitika rin base sa gahum na “pangkalahatang masalimuot na relasyon ng mga tao sa lipunan.” May pagka-gobyerno pa nga ito dahil kakambal ang CCP. Kahit ang Quezon City International Film Festival ay pinaghalong sining, kultura at pulitika rin dahil Local Government Unit (LGU) ang nagpapaandar nito bagamat may pamumulitika rin ito ng mga sibilyan na naglilingkod rito. Hindi rin masama ang pamumulitika bastat para sa kapakanan ng higit na nakararami. Ang Cinema One Originals ng ABS-CBN bagamat pribado ay pulitikal din batay rin sa ganitong pananaw. Kahit na ang Urduja Film Festival din o ang Pambujan Film Festival ay mga pulitikal ding apparatus.

Lalo ngayong lutang na lutang ang relasyon ng showbiz at pulitika sa pagkakampu-kampo ng mga taga-TV, pelikula, musika at tanghalan o social media sa pagiging oposisyon at maka-administrasyon. Paano pa ang pulitika ng mga progresibong sektor na mga taga-showbiz din? Matatandaan na isa si Mae Paner, also known as Juana Change—kasama ang direktor sa telebisyon, teatro at pelikula na si Phil Noble—sa kasamang nakulong nina Brocka at Behn Cervantes noon sa martsa kasama ng mga jeepney drivers at urban poor. Showbiz na showbiz at pulitikang-pulitika rin sina Mae, Phil, Lino at Behn. Isa pa nga ang nawawala o “missing” pang movie reporter, talent manager, TV host na si Boy de Guia sa naghanap ng pampiyansa sa kanila.

Masigasig sina Melanie Marquez, Alona Alegre at iba pa bilang mga Marcos loyalists noong bago pa lang ang dispensasyon ni Cory at hindi ba nating sasabihing namulitika rin sila?

Paano pa ilalarawan ang pakikipag-ugnayan ni Imee Marcos noon sa mga opisyal at miyembro ng Philippine Movie Press Club o ang pakikipagtalamitam ni Kris sa iba’t ibang grupo ng peryodismong pampelikula? Pulitikal, di ba? Paano pa ang pagboto ng mga taga-showbiz tuwing eleksyon, ano ‘yon, hindi pulitikal? At ang pagbabayad ng buwis ng mga trabahador sa media, ano ‘yon, hindi nga ba’t ‘yon ay pulitikal na ekonomiya?

Ito ay mababaw pa lang na istorya ng buhay- pulitikal at showbiz. Ang dami-dami pang kumpigurasyon at kumpisal na puwedeng isiwalat sa lonang ito ng kasaysayan. Bakit hindi namnamin ang naratibong ito ng makulay na buhay sa lipunang Filipino?

 

PHOTO CAPTIONS

1.     “Missing”: Easy Ferrer’s film starring Ritz Azul

2.     “The Boy Foretold by the Stars”: 2020 Metro Manila Film Festival Gender Sensitivity Award

3.     “Tagpuan” supposed to be an entry at the 2020 Summer Metro Manila Film Festival

4.     “Pakboys” a wacky treat for the holidays

5.     “The Healing Priest Suarez” stars John Arcilla

6.     “Mang Kepweng” a franchise that stars Vhong Navarro anew

7.     “Isa Pang Bahaghari” controversial film of Nora Aunor

8.     “Fan Girl”:46th Metro Manila Film Festival Best Fil

9.     “Coming Home” Jinggoy Estrada fails to earn a nomination

10.   “Magikland” a fantasy treat from the camp of the late film master Peque Gallaga

 

Share this article