What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Peps Villanueva: Mula UST sa Pilipinas hanggang bisyon ng London at iba pang kaugnay na tagulaylay

Ikalawang Bahagi

Kumuha ng entrance examination si Jose Villanueva—ang sa mga susunod na kabanata ng naratibo ay magiging Peps Villanueva—sa Faculty of Arts and Letters ng University of Santo Tomas (UST) noong 1970 at ipinasa niya ito nang maluwalhati. Mula sa Katolikong La Salle Green Hills (LSGH) High School patungo sa isa pang relihiyosong paaralan, ang Pontifical University bagamat mas abante na ang mga akademikong asignatura.

Ang Artlets (dinaglat na mga salitang Arts and Letters—mula sa lumang taguri sa kolehiyo na hinalinan na kung tawagin ay Philosophy and Letters o ang dinaglat na Philets)—ay kulay asul ang tatak kaya ang uniporme ng babae ay bughaw na palda at puting blusa na may krus na lasong kulay asul din sa may dibdib. Ang lalaki naman ay itim o madilim na pantalon at puting polo shirt.

Ito ang pisikal na representasyon ni Jose sa kanyang kolehiyo.

Pangkalahatang edukasyon o general education naman ang dalawang unang taon ng Bachelor of Arts (AB) sa lahat ng mga estudyante bago tumuntong sa dalubhasaan. Si Jose sa isang banda ay nakatakdang magpakadalubhasa sa kursong Economics pagsapit niya sa ikatlong taon.

Ang unang taon ng dekada sitenta ay panahon ng ligalig sa lipunang Filipino kabilang ang kalipunan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang antas. Nagpupumiglas ang pagtutol ng mga kabataan sa umiiral na mapaniil na kalagayang panlipunan lalo na sa hanay ng mahihirap at anak dalita. Nananawagan sila sa mas liberal na kalayaang pang-akademiko. Nagpoprotesta sila sa anila’y matiwaling pamahalaan ni Ferdinand E. Marcos.

 Peps Villanueva at ang kanyang ginang na si Julie Villanueva

Ang mga pampublikong eskuwelahan, lalo na, kabilang ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP) at ng noon ay Philippine College of Commerce o PCC—na magiging Polytechnic University of the Philippines (PUP) kinalaunan—ay nagpupumiglas para sa kalayaan, makataong panlipunang katarungan at pagkakapantay-pantay ng mga uri sa lipunan. Nagbabaga kundi man nag-aapoy na ng ideyalismo ng kabataan. Gayunman, hindi naiwan ang ibang pribadong paaralan sa pagniningas ng pakikibaka para sa mas malayang lipunan. Hindi napuwera ang UST sa mga naimpluwensiyahan ng moderno at radikal na edukasyon bagamat mas nangibabaw noon ang konserbatibo kundi man reaksyunaryong katuruan at kamag-aralan.

Sa FAL ay nandoon ang mga progresibong guro tulad nina Cristina Pantoja-Hidalgo, Norma Miraflor, Romualdo Abulad, isang nagngangalang Tuebeo (tama ba ang baybay sa kanyang apelyido?) at iba pa.

May mga mag-aaral na tumututol sa imperyalismong Amerikano. Sumisigaw sila sa kalsada habang nagmamartsa, iwinawagayway ang mga bandilang pula, itinataas at iwinawasiwas din ang mga plakard ng pagtutol habang isinisigaw nila ang “Marcos, Hitler, Diktador, Tuta” o kaya naman ay ang mga chant na “Imperyalismo, Ibagsak! Byurukrat-Kapitalismo, Ibagsak! Piyudalismo, Ibagsak!” Nagtitipun-tipon ang mga estudyante mula sa iba’t ibang pamantasan at paaralan sa Plaza Miranda o sa Liwasang Bonifacio at magmamartsa patungo sa Mendiola upang bulabugin ang Malacanang sa kanilang mga protesta. Isinisigaw nila ang katiwalian sa rehimeng Marcos.

Umalingawngaw ito sa pasilyo at mga silid-aralan ng Artlets, ang isa sa may mga progresibong kaaralan. Mga lider-estudyante noon sa kolehiyo ng Batsilyer sa Sining sina Joey Lina—na kalaunan ay magiging tauhan ng gobyerno at taumbayan bilang Senador sa panahon ng administrasyong Cory Aquino at Gobernador ng Lalawigan ng Laguna sa panahon ng panguluhan ni Fidel V. Ramos—Archimedes Marquez, kilala rin sa tawag na Archie Marquez na naging isang propesor.

Kasama noon ni Joey si Jose sa mga kilos-protesta sa Artlets. May isang insidente, ayon kay Villanueva na magkatabi sila ni Lina sa hanay ng mga rayilista sa lobby ng Commerce Building kung saan namamahay sa ikalawang palapag ang Artlets. “Anim na oras nang nagsasalita si Joey sa harap ng mga raliyista. Sabi niya sa akin, ‘ikaw nga muna.’ Noon din, kinuha ko ang megaphone sa kanya at ako na ang nagsalita,” kuwento ni Jose.

Isinisigaw din nina Joey ang kabulukan ng rehimeng Marcos, pinupuna nila ang mga polisiya ng paaralan na anila’y hindi nagtataguyod sa ineterst ng mga kamag-aaral nila at ang paghahangad ng higit pang kalayaang pang-akademiko sa unibersidad.

Samantala, ang probinsiyanong nanggaling sa Eulogio Rodriguez, Jr. High School sa Quezon City ay nasa ikaapat na taon sa sekondaryang edukasyon sa Lopez Provincial High School sa Lopez, Quezon.

Noon ay naririnig lang sa radyo at napapanood sa black and white na telebisyon sa lalawigan at komunidad ang aktibismo ng mga kabataan.

Ang pinagkakaabalahan naman ng lumipat mula sa ERJHS ay ang pagsusunog ng kilay sa trigonometry, Spanish, English, history, Filipino, social studies at iba pang asignatura kasabay ang paglilinang sa paghanga sa mga idolo ng masa ng mga panahong ‘yon tulad nina Nora Aunor, Tirso Cruz III, Vilma Santos, Edgar Mortiz at iba pang binansagang bakya. Sa katunayan, ang galing ERJHS ay nag-organisa ng VENT (Vilma, Edgar, Nora, Tirso) para sa pagkakaisa hindi lang ng mga tagong tagahanga kundi sa pagtataguyod ng kapatiran sa liblib na mga barangay. Karamihan sa mga miyembro ay mga kaklase—babae at lalaki—na mahilig sa barkada at paguumpuk-umpok pag walang klase o para sa katanggap-tanggap na espasyo sa lipunan ng mga bagets ng mga panahong ‘yon kahiman at tuksuhin ng kabakyaan.

Habang nagsusunog ng kilay si Jose sa UST kasabay ang aktibismo ay nangangarap na ang promdi na mula sa ERJHS ng pagtatapos habang sinasabitan ng makakapal na feather garland o tinuhog na mga bulaklak ng kalachuche o butu-butones para umapaw sa leeg tulad ng isinasabit kina Nora’t Tirso na nakikita sa mga magasin. Ninanais na rin ng mga taga-LPHS ang pagtanggap ng diploma at pagpunta sa Maynila para magkolehiyo.

Kumuha ang promdi ng entrance test sa Artlets at naipasa niya ito. Karangalan para sa kanya nang makita niya sa listahan ng bulletin sa Artlest ang kanyang pangalan kasabay ng pagpasa ni Fe Celia Manaois sa pareho ring pagsusulit. Inidolo niya si Fe Celia sa ERJHS bilang lider-estudyante na aktibo hindi lang sa kanyang pagiging honor student kundi sa pagiging masigasig sa mga extra-curricular activities tulad ng Girl Scouting o pagiging musa ng mga corps commander sa PMT.

Saksi kami ni Manaois sa mga mass action nina Joey at Jose.

Sa isang umpukan ng mga raliyistang estudyante na binubuo ng mga walang klase (o paminsan-minsang lumiliban) at tinitiyempo sa bakanteng oras, nandoon si Elizabeth Marcelo na kinalaunan ay magiging news reporter ng Channel 4. Sa gitna ng piket ay tumutula si Elizabeth—Beth Marcelo rin kung tawagin—ng marubdob na interpretasyon ng makabayang tula ni Amado V. Hernandez, ang “Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan.”

Kakontemporaryo ni Jose sa Artlets ang aktibo pa ring manunulat sa showbiz na si Nestor Cuartero at ang retirado nang si Leo Estonilo. Kasabay rin niya noong second year siya ang Philosophy major ng kanyang ikatlo at ikaapat na taon na si Biboy Cariño na namatay sa kanyang on duty nang pagbabalita sa baha sa Kamayanilaan noong mga huling taon ng 1980s. Kabilang din ang namayapa na ring advertising man na si Czar Viriña sa batch na ‘yon. At ang peryodistang si Myrna Castro (ngayon ay de la Torre na magiging associate producer ng primetime news ng ABS-CBN na “TV Patrol” at Executive Producer ng “Knowledge Power” ni Ernie Baron sa Channel 2) ay kakolehiyo rin nina Joey at Jose.

Samantala, sa tag-init ay bakasyon sina Jose at ang promdi sa Quezon. Mainit ang usap-usapan ng mga ka-promdi ng huli sa aktibismo sa Maynila sa piling ng kanyang mga kaklase sa LPHS dahil may isang estudyante na mula sa UP at sa De La Salle University.

Nang 1972 ay nasa ikatlong taon na si Villanueva at nagpapakadalubhasa na sa Economics. Ito rin ang taon ng pagbababa ni Marcos ng Martial Law. Maraming lider-estudyante ang inaresto at pinarusahan ng rehimeng Marcos.

Ano ang kapalaran sa pagkamulat ni Jose sa mas marahas na pulitika sa gitna ng kanyang pagiging lider? (Itutuloy)

Unang Yugto

Ikatlong Yugto

Ikaapat na Yugto

Photos

1.      Peps Villanueva at Bong Osorio

2.      Peps Villanueva at British-Russian classical pianist Olga Dudnik

3.      Peps Villanueva at Christine Alado

4.      Peps Villanueva at co-host in Ms. Philippines UK

5.      Peps Villanueva at Congresswoman Quimbo

6.      Peps Villanueva at Cynthia Barker

7.      Peps Villanueva at Cynthia Barker

8.      Peps Villanueva with Danny Favour

9.      Peps Villanueva with Dawn Zulueta

10.    Peps Villanueva with Fidel Ramos

 

ENGLISH VERSION

Part One

Part Two

Part Three

Part Four

Share this article