What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Patay-ibig ang Austrian motocross superstar sa kanyang Pinay caregiver

Ikalawang Labas

 

Buo ang loob ni Hans Kinigadner—ang isa sa mga sikat na Austrian motocross racer na ngayon ay baldado na nang maaksidente sa isa sa kanyang mga laro—na isampa ang kasong pagnanakaw laban sa kanyang caregiver na si Melysa Aldiano, isang Pinay na kasasalta lang noon sa Austria mula sa Pilipinas.

Dumating ang unang araw ng paglilitis. Dumalo si Hans kasama ang kanyang abugado at mga kaanak. Naka-wheelchair si Kinigadner na pumunta sa korte.

Inihanda naman ni Melysa ang kanyang sarili para sa pagdinig. Bagamat kumakabog ang kanyang dibdib sa nerbiyos ay dumalo siya. “Natatakot ako. Sobra ang takot ko. Imagine, ang mga kalaban ko ay mga sikat at ako ay isang hamak na dayo lamang sa kanilang bayan.

“Pero nilakasan ko ang loob ko. Bastat hindi ako nagkukunwari ay alam ng Panginoong Diyos na wala akong kasalanan.

“Ang perang ipinaparatang ni Hans sa akin na ninakaw ko ay akin. Legal na akin ‘yon. Suweldo niya sa akin ‘yon. Sa katunayan nga, kulang pa ‘yon dahil kalahati lang ang ibinibigay niya sa akin. Kasi, sa kanya ako nakatira at kumakain. Pero pera ko ‘yon,” pahayag ni Melysa sa aming panayam sa online kamakailan.

Pinatatag ni Melysa ang kanyang sarili. Laban kung laban. Nasa panig niya ang katotohanan.

Kahit makapangyarihan ang kanyang kalaban, wala siyang pakialam, ito ang kanyang nasa isip.

“Kinuha ni Hans ang pinakamagaling na abugado sa kanilang bayan samantalang ako, sa isang pro bono lawyer.

“Pero kakampi ko ang Diyos. Siya ang aking pinakamataas na abugado,” sabi ni Melysa.

Sa pagtatagpo nila, aniya, ni Hans ay parang laging nabubuhay sa kanyang gunita ang sinabi nitong “sisirain kita. Igugupo ko ang ‘yong pagkatao at ang iyong damdamin. Parurusahan kita sa ginawa mo sa akin.”

Ang nagawa lang niya ay tingnan nang mata sa mata si Hans subalit umaahon ang kanyang takot at pangamba pag parang tumutusok na sa kanyang kalamnan ang mga pagtanaw sa kanya ng pamosong motocross daredevil.

Hindi pag nagkakasya ay tatawagan siyang muli ni Hans sa telepono. “Makulit siya. Nagbabanta siya lagi sa akin. Pero ako naman ay kampante kahit na naguguluhan din,” wika ng binibini.

Nagkrus sa kanyang isip ang katagang obsesyon sa kanya ni Hans. “Batambata ako noon. Mga twenty years old lang ako. Maganda. Kahit ang mga taong nakapaligid sa kanya, pinupuri ako. Ang tingin nila sa akin ay pandispley.

“Masasabi kong obsesyon ang naramdaman ni Hans sa akin. Pero bakit kailangang idemanda pa niya ako at pagbintangan?

“Kasi, inamin naman niya talaga sa akin na mahal niya ako. Kahit ang kanyang anak na babae, si Katrin, inamin sa akin na obsessed sa akin ang kanyang ama.

“O baka naman gusto lang niya ako bilang pantapal sa kanyang kahinaan. Hindi na siya sikat noon. Lumpo na siya. Unti-unti nang kumukupas ang kanyang kagandahang-lalaki sa kanya at ang kanyang kakisigan.

“Naaalala ko pa. Walang babaing pinakasalan si Hans. Lahat sila ay nakapisan lamang niya. Naka-live in niya silang lahat. Ang kanyang anak na babae ay dalawang taon lang ang tanda sa akin.

“Mayamang angkan ang mga Kinigadner. Kilala sa lipunan. Marami silang negosyo at makapangyarihan. Kaya naman marami siyang napapasagot na mga babae.

“Pero ang kanyang mga babae ay matitino. Nakita ko, nakadaupang-palad at nakausap ang mga ito. Mga edukada sila. Kasundo ko silang lahat. Pero lahat sila ay niloko ni Hans. Hindi matapat si Hans.

“Playboy siyang walang kaparis. Mahilig pa rin kahit lumpo. Sa katunayan, inihahatid at sinusundo ko pa siya sa mga bahay-aliwan at bahay-putahan,” walang gatol na salaysay ni Melysa.

Samakatuwid ay nagpatuloy ang pagdinig ss kaso. Ang hiwaga para kay Melysa ay nagpapabagu-bago ang mga salaysay ni Hans sa kanyang mga sinumpaang ibinahagi sa korte. “Sa mga hearing namin, talagang nakita ko at naramdaman na ang huwes na may hawak ng kaso ay panig sa akin lalo na sa mga nagsasanga-sangang testimonya ni Hans,” kuwento ng dalaga pa noong migrante.

“Kahit ang mga miyembro ng kanyang pamilya, kinakausap nila ako sa loob at labas ng korte. Halimbawa, pag isinusudlong nila ang wheelchair, lalayo lang sila nang konti kay Hans at bigla akong lalapitan ng kanyang kuya o tiyo at itatanong ang lagay ko,” sabi pa niya.

Anim na magkakapatid ang mga Kinigadner—tatlong lalaki at tatlong babae. Panganay si Hans at ang kanyang dalawang bunsong kapatid na lalaki, sina Heinz na world champion sa motocross at si Klaus na naglalaro rin ng paligsahan sa kotse.

“Tumawag na naman sa akin ni Hans isang beses at sinabi niyang kinuha ko ang kanyang pera pero pinababalik niya ako sa kanya.

“Ayaw ko na talaga. Ayaw ko nang maalala pa ang nangyari sa akin sa Pilipinas na nagkanda-letse-letse ang buhay namin nang dahil sa pagiging lasenggo ng tatay ko. Lasenggo rin si Hans. Ayaw ko nag bumalik sa kanya,” kumpisal ni Melysa.

Lalo pang nag-alma ang damdamin ni Hans, sabi ni Melysa at binantaan na naman siya.

“Tatlong taon inabot ang hearing namin,” pagbibigay-impormasyon ng babae.

“Pero huling taon ng kaso, tinawagan na naman ako ni Hans. Sabi niya, iuurong niya ang demanda kung babalik ako sa kanya. Wala nang pagbabanta.

“Noon din, lumuwag ang isip at puso ko. Sabi ko sa sarili ko, ‘yon na ‘yon. ‘Yon ang hinihintay kong sandali para sabihin kong nagtiwala ako sa Diyos at pinaglinaw niya ang isip ni Hans.

“Sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy, ‘ika nga. Nakamtan ko rin ang katarungan. Pero hindi ako bumalik sa kanya.

“Nang matapos ang kaso, kinuha ko ang pera ko sa bangko dahil sa akin naman ‘yon ng tatlong taon. Pero noon ay humirit pa rin siya na sa kanya ang perang ‘yon. Oh! My God,” nangingiting pahayag ni Melysa.

Sadya ngang mapanghalina ang diwa ng babae dahil noong tatlong taon lang ang nakakalipas, sabi ni Melysa, natunton siya ni Hans sa Facebook at nais nitong ituloy ang komunikasyon sa kanya.

Gayunman, tinalikdan na niya ang pamosong motocross racer at ibinaling ang panahon sa pagtatrabaho bilang superbisor sa isang amusement park.

Dito sa pook-libangan na ito ay may makakatagpo siya sa hindi inaasahang pangyayari sa kanyang buhay. (Itutuloy)    

 

PART 1 TAGALOG             

 

PART 1 ENGLISH

PART 2 ENGLISH

 

Share this article