What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Makakatulong ba sa pagmumulat ng sambayanang Filipino ang nagaganap sa showbiz ngayon?

Showbiz naman tayong lahat, aminin man o sa hindi. Tulad rin kung sasabihin na tayo ay ang gobyerno dahil tayo ang bumubuo sa pamayanan. O tayo ang faithful o kawan ng anumang simbahan.

Iba ang meaning at konteksto ng showbiz sa paglalarawan ko sa atin.

Hindi ito ‘yong tipikal at ikinakant’yaw o ikinakabit sa isang tao na fake o plastic—sinasabi, showbiz. Mali ‘yon at nakakapagpababa sa salitang showbiz at sa mga mamamayan nito. Kahit na biro, hindi magandang biro dahil ang pagiging showbiz ay pagiging tao sa lipunang ito.

Showbiz tayo dahil ang showbiz ay isa ring larangan at istruktura (panlipunan, pulitikal, kultural, ideyolohikal, ekonomiya, moralidad, batas, sikolohikal o maging metapisikal atbp.) tulad rin medisina, simbahan o relihiyon, pamahalaan, military, edukasyon, advertising at lahat ng sangay ng buhay.

Naitanong ko kung makapagpapamulat sa sambayanang Filipino ang mga nangyayari ngayon sa showbiz lalo na sa panahon ng pandemya ng COVID-19. Masyado kasing influential ang showbiz sa ating pang-araw-araw na buhay lalo sa masang Filipino na mas higit na nakararami ang bilang sa Pilipinas.

Sa halos sampung buwan na pagdanas natin ng pandemya, kay daming naganap sa showbiz kabilang ang pagkakahawa nina Christopher de Leon, Cecil Guidote-Alvarez, Iza Calzado, Sylvia Sanchez, Donita Nose, Allan K. atbp. sa impeksyon at ang kanilang paggaling at ang pagpanaw ng premyadong aktor na si Menggie Cobarrubias nang dahil sa new coronavirus.

Inari ng karamihan sa showbiz na ang epidemya ay parusa sa kasalanan ng tao bagamat wala itong siyentipikong basehan hindi tulad ng pananagutan ng agham sa pagkalat ng nakamamatay na bakterya. Masyado na umanong maraming makasalanan, marami nang intrigahan, imoralidad, siraan at iba pang kabulastugan. Nagkalat ang huwad na propeta na katapusan na anila ng mundo ang salot na ito.

Pero bakit nagkalat pa rin ang mga bashers o trolls laban sa mga artista—karamihan ay walang lohika? Bakit may stress o tensyon pa rin sa mga taga-showbiz lalo na sa panahon ng walang katiyakan ang buhay na dulot ng mas malawak at mas makapangyarihang puwersa tulad ng kawalan ng trabaho sa TV o pelikula? Bakit may isnaban pa rin ang dating mag-asawang sina Cesar Montano at Sunshine Cruz? Bakit nag-iringan sina Vivian Velez at Isabel Rivas, sina Vivian at Liza Diño-Seguerra? Bakit nagkampu-kampo ang mga bituin sa pagpanig o pagkontra sa pagkakaloob ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN?

Malalim at malawak ang sosyal na istruktura ng mga drama sa showbiz, para ring lalim at lawak ng diskusyon sa kung aling pharma company ang kukunan ng gobyerno ng bakuna o kaya ay ang pagpatay ng pulis sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac. Kailangan ang masusing pagtalakay at pag-usisa at hindi agad husgahan na bakya o walang katuturan. ‘Ika nga ng “Eat Bulaga” sa portion nito na “Bawal Judgmental.” Bagamat ang pagpatay na may ebidensiya ng alagad ng batas ay karumal-dumal pero may mas malawak itong implikasyon at iniikutan.

Tulad rin ng kaibang resulta ng mga parangal sa showbiz ngayong pandemya. Hindi nga ba’t kaiba ang pagpili ng Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) sa ika-43 taon nito? Isang kaibang pelikula ang “Babae at Baril” para manalong Best Film dahil hindi ito pangkaraniwang naratibo kaugnay sa liberasyon ng kababaihan sa kanyang tradisyunal na papel na pambahay, Maria Clara, nasa ilalim ng kapangyarihan ng lalaki at iba pang sinaunang pagtingin sa babae. Dinaig ni Elijah Canlas ang mga beterano at kapwa magagaling na aktor nang kamtin niya mula sa mga Manunuri ng kanyang Best Actor award para sa “Kahlel, 15” na tungkol sa isang bagets na may HIV.

Lalo naman ang pinanalo ng ika-4 na Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) ng Film Development Council of the Philippines (FDCP). Isang Japanese, Hana Kino, ang nagwaging Best Actress para sa obra maestrang “Come On, Irene” sa isang pagdiriwang na tungkol sa pelikulang Pilipino. Best Actor naman si Gold Azeron para sa likhang-sining na “Metamorposis” at Best Picture ang “Cleaners” ni Glenn Barit na siya rng Best Director.  

Mga bagito rin ang nagwagi sa Luna Awards ng Film Academy of the Philippines (FAP) nang iproklamang Best Actor si Jansen Magpusao sa pelikulang “John Denver Trending.”

Ang 2020 Famas ay nanggolpe-de-gulat din sa mga pinili nitong mahuhusay sa pelikula. Best Picture ang isang documentary film, ang “Aswang” na tungkol sa walang habas na pagpatay sa mga inosenteng silbilyan at ang kawalang katarungan sa pagkitil sa kanilang buhay. Kauna-unahan ito sa kasaysayan ng Famas samantalang ang ordinaryong nananalo rito ay mga tuwirang pelikula o ‘yong kinamulatan na kuwento, halimbawa’y ng mga pelikula mula sa Viva Films, Regal Entertainment, Star Cinema, Seiko Films, Sampaguita Pictures, LVN Pictures, Imus Productions, Premiere Productions at iba pa. Nagbagong-bihis na ang Famas at kahit hindi popular ay binibigyang-pansin nito.

Ang Best Actress sa ika-68 Famas si Janine Gutierrez para sa “Babae at Baril” samantalang tulad ni Janine, Best Actor din si Elijah Canlas sa “Kahlel, 15” tulad ng nakamtan nila sa Gawad Urian.

At ang Best Supporting Actress ay si Dolly de Leon para sa “Verdict” samantalang Best Supporting Actor naman si Ricky Davao para sa “Fuccbois.”

Noong 2019 ipinalabas ang mga pelikulang ito. Wala pang pandemya at sa mga sinehan itinanghal kasabay rin ang mga pelikulang may mga sikat na artista.

Maitatanong, namalayan ba ang mas maraming Pinoy ang pagpapalabas ng mga pelikulang ito at kilala ba nila kapagdaka ang mga artista sa mga ito lalo na ang mga nagwagi sa iba’t ibang award-giving bodies tulad ng Urian, Young Critics Circle, PPP, Famas, Luna at iba pa?

Ano ang epekto nito sa fans ng mga popular na artista at tambalan tulad nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, Marian Rivera at Dingdong Dantes, Angel Locsin at Piolo Pascual, Kim Chiu at Xian Lim, Bela Padilla at Jericho Rosales, Bea Alonzo at John Lloyd Cruz?

Ngayong hindi pa nagbubukas ang normal na proseso ng panonood sa mga sinehan, paano na ang mga tagahanga na nag-aabang ng mga pelikula ng kanilang mga idolo? Gaano kadali ang panonood sa online o sa live streaming? Kakagatin ba ng mga tagatangkilik ng popular na sine ang mga pelikulang hindi popular at mga artistang walang publisidad? Ano ang implikasyon nito sa lahat ng bagay sa lipunan? Masasakyan ba ng pangkalahatang publiko ang di-kumbensyunal na naratibo sa makabagong pelikula?

Saan nahirati ang masang Pinoy sa pinapanood na dibersyon? Makakapag-adjust ba agad-agad mula sa pamilyar tungo sa bagong pamamaraan ng paggawa ng pelikula?

Biglang nabago ang kalakaran ng showbiz. Parang palaruan na bukas ngayon sa lahat. Sa panahon ng 2020 Metro Manila Film Festival na sa internet din mapapanood, mag-aaksaya ba ng oras ang karamihan na mag-log on sa URL para makapanood ng mga kalahok dito?

Wala naman itong kaso dahil nananatiling libre ang merkado sa paggawa ng kung anu-ano para ibenta sa mga mamimili na taglay ang kani-kanilang mga sanligan sa buhay na panukat sa pagtangkilik mula sa personal hanggang sa pampublikong paglalantad ng kaugnayan sa bawat isa—tao man, bagay o institusyon.

Mauunawaan ba agad na ang mga artista ay nakikipamuhay rin sa mga ordinaryong tao. Na ang mga ito ay pareho rin sa kinalalagyan nitong istruktura ng buhay sa lipunan.

Ang mga artista ay tao rin, mamamayan din ng bansa na nasasakop din ng kung anu-ano tulad ng batas at mga tradisyon, presyo ng gas, pananampalataya, klase ng mga pagkain, liderato mula sa iba’t ibang sangay ng buhay mula sa tahanan hanggang sa mas malawak na lipunan.   

Share this article