What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Janice Jurado, Sahlee Quizon, Tonee Coraza: Sila man ay namatayan din

 

May COVID-19 man o wala, ang kamatayan ay pagsukat din sa antas at bahagdan na kinalalagan ng isang tao sa kanyang lipunan.

Nang mamatay si Ramon Revilla, Sr., kahit namamayagpag ang nakamamatay na bakterya ng new corona ay humugos ang mga nakikisimpatya sa pamilya Revilla at bawat sandali ay may ulat sa TV o sa diyaryo o sa radyo kabilang ang social media kung ano ang huling kaganapan sa pagkamatay ng aktor at dating senador. Nang pumanaw si Marichu Vera-Perez Maceda, anak ng mga prodyuer ng Sampaguita Pictures, santambak din sa isang pagsukat ang nakipaglamay at tumanaw ng mga huling sulyap sa kanyang abo. Kaliwa’t kanan ang balita sa iba’t ibang sangay ng media sa pagyao nina Anita Linda, Lilia Dizon, Mila del Sol at iba pang malawak ang impluwensiya—mga koneksyon sa samo’t saring istasyon ng buhay ng pamilya o multidimensyunal na industriyang naiwan—sa iba’t ibang sangay ng lipunan.

Nang mamatay si April Boy Regino, meron ding maugong na pagbabando subalit eksklusibo lamang sa larangan ng musika bagamat siya ay nag-artista rin sa pelikula. Nitong paglisan sa mundo ni Freddie Santos, mga taga-musika at tanghalan ang eksklusibong nakipagluksa.

Namatayan din ang pamilya ng mga Sepulveda sa pagkawala ni Siegfried Sepulveda, nag-ambag ang katakut-takot na kontribusyon sa showbiz ng TV, teatro at Pelikula; ng mga Celi-Reyes sa pamamaalam ng peryodistang pampelikulang si Letty Celi, nagbigay ng maraming mahahalagang impormasyon tungkol sa mga kaganapan ng mga bituin tulad nina Lito Lapid, Azenith Briones, Roy Flores at iba pa; ng angkan ng movie reporter na si Alex Datu, nagsulat ng mga balita tungkol sa mga artista para sa karagdagang kaalaman ng publiko at marami pang iba.

Gayunman, limitado lamang ang pagpupugay sa kanila sa anumang pagsukat sa kanilang halaga bilang mga tao na bumubuo ng lipunan.

Ngayon ay nangungulila naman ang mga Calma-Jurado sa pagpanaw ni Jay-Jay, kapatid ng aktres na si Janice Jurado. Narito ang pahimakas ni Janice sa kanyang kaputol ng pusod: “Jay-Jay ang dami nating pinagsamahan,shooting, taping, pagna admit ka sa east ave (East Avenue Medical Center), sorry kung itong huling pag ospital mo hindi kita nabantayan, pero alam mo kung gaano kita kamahal, lahat kayong mga kapatid ko mahal ko, wala ka nang sakit na mararamdaman, kasama mo na sina Mommy, Papa, John, Butch, at Dong2 gabayan mo kaming nandito sa lupa. salamat sa lahat ng pag aasikaso sa akin.”

Nagluluksa rin ang mga Quizon ni Dolphy sa pagkamatay ni Edgar Quizon, nakababatang kapatid ng Sahlee Quizon. Bagamat hindi Eric Quizon ang antas sa popularidad ni Edgar, may naipagkaloob din siyang partisipasyon sa pag-usad ng showbiz sa anumang direksyon.

Namatay na rin ang ama ng movie reporter, talent scout at manager na si Tonee Coraza na nag-ambag din ng ningning at sustansiya sa showbiz. Ang ama ni Tonee ang nagkaloob ng buhay sa kanya para mag-ambag ng kanyang talino (sa anumang antas) sa showbiz.  

Bakit nga ba limitado lang ang pagtanaw sa kanilang trahedya?

Share this article