What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Isang Q&A na panayam kay AR Millares: Theater actor, online seller ng bangus products

Nung mapanood ko ang aktor na ito sa dulang “KANSER” ng Gantimpala Theater Foundation more than a couple of years back, nagmarka na siya sa amin. May dating na kakaiba, malakas ang sex appeal, maganda ang tindig at pangangatawan, at higit sa lahat, marunong at magaling umarte. Ganyan talaga basta't nahubog at na-train sa teatro, may kakaibang confidence at “aura” kang makikita. Ang tinutukoy ko ay si AR MILLARES.

 

Pero dahil iba ang sistema sa showbiz world at naging busy na rin later on si AR sa basketball at ilang businesses (isa pong businessman si AR), hindi na niya masyadong nabigyan ng panahon ang pag-arte sa entablado. Pagdating naman sa mga pelikula, wala namang magaling na talent agent na nakilala si AR. Gusto rin sana niyang pasukin ang mundo ng indie films at puwede pa rin naman, well, lahat ng iyan ay maiaayos naman sa tamang panahon. Basta ang importante ngayon, abalang-abala si AR Millares sa patok na patok niyang Bangus business. At isa pa, siya ang personal na nagde-deliver ng mga ito kadalasan, lalo na kung katropa o kapwa basketball player niya ang umorder sa kanya nung mga bangus.

 

 

Nag-viral pa nga si AR sa mga FB posts niya delivering mga bangus sa clients niya. Paano ba naman, guwapo na ang nagde-deliver, guwapo rin ang mga umo-order!!!

 

So there.

 

 

Heto po sa ibaba ang aming Q and A kay AR MILLARES, ang guwapong bangus businessman at theater actor:

 

ROBERT: Na-miss mo ba ang mundo ng teatro nitong panahon ng Covid-19 pandemic?

 

AR: Sobrang miss ko na po umarte. Sa nangyaring pandemic, feeling ko nga po ay nawala na ang acting skills ko po.

 

ROBERT: Gustong-gusto ko ang mga posts mo sa FB selling bangus to your friends. Paano ma-describe ang feeling na ang isang aktor na tulad mo ay kayang gawin din pala ang mga trabahong ginagawa rin ng mga ordinaryong tao? Pero sa totoo lang, ikaw na yata ang pinaka-guwapo at cute na bangus tindero. Hi! Hi! Hi! 

 

 

AR: Sa totoo lang po, sa una medyo nahihiya po ako magtinda o mag- online selling. Pero sa panahon ng pandemya, iniisip ko na lang kung paano ako makaka-survive ng di umaasa o naghihintay ng tulong mula sa gobyerno. Ayoko kasi maging pabigat pa sa pamahalaan… yung tipong aasa na lang sa mga ayuda. Kaya ayun, kinapalan ko ang mukha ko. Yes, mahirap pala maging vendor pero nakakatuwa kasi maraming tao ang sumusuporta. Tsaka yung ngiti ng mga customer ko na nasiyahan at nasarapan sa paninda ko ay gaya din ng ngiti ng mga manonood sa entablado habang ako ay nagpe-perform..

 

ROBERT: Anu-ano ang mga natutunan mo habang may quarantine pa at nasa bahay lang ang karamihan? Mas lalo ka bang tumapang sa buhay?

 

AR: Natutunan kong mag-save ng pera at humanap ng pagkakakitaan kasi sa panahon ng pandemic, karamihan sa ‘tin di handa sa nangyari. Maraming nabutas ang bulsa o ipon, lalo na siguro kaming mga aktor na di pa ganun kalakasan ang kita. At yes, mas lalo akong tumapang at di sumuko sa buhay, at lalo kong nabuo ang sarili ko.

 

 

ROBERT: Ngayong medyo gumagaan na ang quarantine na dulot ng pandemya, titigil ka na ba sa pagtitinda ng bangus o itutuloy mo pa rin?

 

AR: There's no reason to stop my bangus business. Actually, mas pabor pa nga sakin na medyo lumuwag ang sitwasyon kasi makakapag-deliver ako ng mas malayo pa na walang iisipin na may haharang sa daan kasi bawal pumasok. At saka ayoko masayang yung pinaghirapan ko at siguro isa ito sa nga investment ko.

 

ROBERT: Marami ding ibang mga aktor ang nagtinda, nag-frontliner, tumapak sa lupa.  Sino ang pinaka-idolo mo sa kanilang lahat? 

 

AR: Nariyan si Eric Fructuoso na nag-tricycle driver, si Piolo Pascual na nagtinda online at marami pang iba. 

 

ROBERT: Sino sa kanila ang idol mo?

 

 

AR: Mas tumatak sa ‘kin si Eric Fructuoso. Mas naging idolo ko siya sa diskarte niya sa buhay niya. Actually, isa din sa inisip ko bago ako mag-bangus vendor ay ang sasabihin ng iba. Pero di ba nga sa panahon ngayon, di na uubra ang kaguwapuhan lang. Dahil ngayon sa panahon ng pandemic, mas pinili ko mangamoy-isda para lang may pangkain at may pang-ahon sa buhay at sa pamilya..

 

ROBERT: May pag-asa pa bang magbalik ka sa acting sa teatro? Balak mo din bang lumabas sa mga pelikula someday?

 

AR: Kung may offer o opportunity na dumating sa pelikula, iga-grab ko po. At yes po, kung babalik po ang mundo ng teatro, babalik din po ako..

 

ROBERT: Last question, AR. Ano ang mensahe mo sa mga kapwa mo aktor para malabanan ang Covid-19 virus?

 

 

AR: Una sa lahat ay kung ano man ang gagawin niyo/nila sa buhay, dapat safety first muna, always wear mask or any safety gears. At para naman sa mga kasamahan o kapwa kong aktor na nawalan ng income, huwag tayo mahiyang pasukin ang mundo ng pagtitinda basta malinis, marangal na gawain at wala kang tinatapakan na iba. Laban lang sa buhay.

 

ROBERT: Hanga ako sa iyo, AR. More power!

Share this article