What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Batas Militar, ang Kaway ng London at si Peps Villanueva

 

Ikatlong Bahagi

Nang ibaba ni Pangulong Ferdinand E. Marcos—na tataguriang diktador—ang Batas Militar noong 1972 kinubkob ng kanyang awtoritariyang rehimen ang halos lahat ng insitusyon ng demokrasya kabilang ang edukasyon o ang akademya.

Saglit na nagsara ang mga paaralan lalo na sa Kamaynilaan. Nang magbukas muli ang mga klase ay hinadlangan ng administrasyon ni Marcos ang pamamarali ng mga organisasyong pang-estudyante. Kailangang suriing mabuti ng mga awtoridad ang uri ng mga grupong pangmag-aaral. Mahigpit ang pagsasala sa mga ito lalo na sa mga kalipunan ng mga may oryentasyong pulitikal. Minanmanan ang karamihan sa mga miyembro ng mga progresibong asosasyon lalo na ng Kabataang Makabayan at Samahan ng Demokratikong Kabataan.

Kailangang humingi muna ng pahintulot sa may kapangyarihan ang mga samahan ng mga mag-aaral. Ipinagbawal siyempre ang mga demonstrasyon at malawakang kilos-protesta. Kung may nais na magbuo ng organisasyon ay kailangang sumunod sa patakaran at bisyon ng Bagong Lipunan na nilikha ni Marcos para umano sa tunay na pagbabago ng lipunang Pilipino.

Sinuring mabuti ng rehimen ang lahat ng mga grupo sa mga eskuwelahan, pribado man o pampubliko. Kung sakali at ang isang organisasyon ay matagal nang naitatag bago pa ang deklarasyon ng Batas Militar, kailangan pa ring kilatisin ang mga layunin, pagkilos at kalipunan ng mga ito.

Gayunman, naibalik din ang mga asosasyon sa mga unibersidad lalo nan a hindi naman hayagang tumatalakay sa pulitika.

Nang magbalik si Jose Villanueva—ang ating si Peps Villanueva—na kilala na sa apat na sulok ng Faculty of Arts and Letters sa kolehiyong ito, nasa ikatlong taon na siya sa kanyang pagpapakadalubhasa sa Economics. De-kalibre ang kanyang mga propesor gaya nina George Garcia, Amor Pedro at marami pang iba. Mapagpala at makandili ang mga guro sa mga estudyante na nasa blocked section. Para lang hindi umalis ng mataas na paaralan kung saan magkakakilala ang mga kapwa mag-aaral dahil iisang lungga lamang ang tinitigilan at iniikutan sa paaralan.

Mapagkandili rin ang Dean ng FAL na si Father Frederick Fermin, O.P., isang Dutch na malapit at nakikinig sa bawat sabihin ng estudyante bastat para sa kanya’y makatarungan lamang. Isa si Jose sa mga inakay bilang intelihenteng nasa poder ni Fr. Fermin.

Noong mga panahong ‘yon ay payapa sa ibabaw ang kampus ng UST lalo na ang progresibong kolehiyo ng Artlets. Humupa ang tensyon sa pagitan ng mga aktibistang Artlets at ng mga institusyon nilang tinutuligsa. Pero parang patlang lamang ‘yon ng katahimikan—parang panandaliang pananahimik lamang ng natutulog na dragon na kahit anong oras ay magigising muli sa tamang panahon at pagkakataon at sisingasing.

Samantala, ang promdi ay nasa ikalawang taon ng kolehiyo ng Artlets. May hinuha na siya kung sino si Peps Villanueva bagamat malabo sa kanyang memorya ang mga eksena kung saan siya lumutang.

Hanggang nakapagtapos na ng kanyang ikatlong taon sa Economics si Peps. Handa na siya sa mas mapaghamong paglawak pa ng pagsaliksik at pag-aaral sa ekonomiya.

Dito dumating ang payo at bilin ng kanyang ama na pumunta na ang kanyang anak sa London upang siya ang mamahala ng negosyo ng pamilya roon—isang skilled employment agency na nagpapadala ng mga bihasang manggagawa sa London para sa iba’t ibang puwedeng mapasukan doon. Isang British-Hindu ang kapartner ng ama ni Peps sa negosyong ito. Nais ng ama na maranasan at mahasa ang anak para mamalakad nito sa London. “Ipinadala ako ng tatay ko sa London para ako ang mag-asikaso ng negosyo niya ro’n,” pagbabalik-tanaw ng ating UST Artlets Eco major. Wala siyang nagawa. Ito ay para sa pamilya. Para sa kinabukasan hindi lang ng bawat miyembro ng pamilya kundi lalo na para sa kanya.

Bagamat hinanap-hanap ni Peps ang amoy, hugis, ngiti, hitsura, pangarap, ang pagsisikhay sa Ekonomiks, pagmamahal sa bayan at iba pa na idinudulot ng Artlets, ang London muna ang kanyang niyakap.

Samantala, nakapagpatala na sa Panitikan o Literature bilang pagpapakadalubhasa. Sadyang hindi na niya binalikan ang aplikasyon sa entrance exams para sa pagmi-major sa Mass Communication o Communication Arts. Mas nanaig sa kanya ang pagkadungo lalo na’t promdi nang mabalitaan pa niyang ang mga kukuha ng entrance test ay mga Inglesero’t Inglesera, mga Manila Boy at Manila Girl, mga nagtapos sa matitinding paaralan kundi man exclusive boys and girls’ schools. Gayunman, wala namang pagsisisi sa kanyang panig  dahil naibigan din niya ang dunong at aral ng panitikan hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Isinantabi muna ng promdi ang kanyang pangarap na makalangkap sa daigdig ng aliw o kaya naman ay ng radyo at telebisyon, ang dalawang midyum na mahalagang bahagi ng kanyang kasaysayang personal. Naalala niya noong siya’y paslit pa na gusto niyang maging bahagi ng showbiz, halimbawa’y maging announcer sa tradisyon nina Vic Morales at Eddie Ilagan—kung ipahihintulot naman ay puwede ring pagsunod sa mga yapak nina Ike Lozada at German Moreno. Naaalala niya nang siya ay lumayas sa bahay ng kanyang kuya. Isang Linggo ng umaga ay nag-alsa-balutan siya at naglakad patungo sa ABS-CBN sa dati pa rin nitong bahay sa panulukan ng Mother Ignacia at Bohol Avenue (ngayon ay Sgt. Esguerra). Doon siya sa buong maghapon at nanonood ng mga palabas. Sa gabi ay maglalakad siya patungo sa Pantranco bus terminal kung saan siya hihimpil, itutulog at magpapalipas ng gabi. Kinabukasan ay babalik ulit siya sa ABS-CBN.        

Dala rin ng promdi mula sa Quezon ang pakikipagtalamitam sa iba pang taga-Artlets kahit wala roon si Peps. Ang kanyang sanligan sa pakikipagkapatiran sa Phi Chi Rho, ang nag-iisang kinikilalang fraternity sa Artlets ay kanyang isinakatuparan pagkatapos na siya’y sumailalim na matinding pagsubok at inisasyon bago mag-Martial Law. Ang unibersal na kapatiran ay kanyang binigyang-kahulugan.

Humayon din sa kabilang panig ng mundo ang isip at diwa ng promdi nang dahil din sa kanyang pag-aaral ng panitikan.

Ang panitikan ay naghahatid rin sa isang tao sa ibang panig ng mundo halimbawa’y sa kinaroroonan ng mga tauhan o dispalanghadong daigdig na nilikha ni George Orwell sa kanyang nobelang “Nineteen Eigthy Four (1984)” o ng mga karakter ni Virginia Woolf sa Scotland sa nobelang “To The Lighthouse” o ng kanyang mga Dalloways sa London sa nobelang “Mrs. Dalloway.”

Malamang kaysa hindi, maraming nakabungguang-balikat o nakatalamitam si Peps na mga magiging Mrs. Dalloway. Si Peps si Richard Dalloway, isang matino at magiting na ginoo para sa kagiliwan ni Mrs. Dalloway.

Sa London nga nakilala ni Peps ang kanyang magiging Mrs. Villanueva o Mrs. Dalloway. Isang Pinay na nars. Makulay ang pagtatagpo at pag-iibigan ng dalawang makulay ring mga nilalang sa mundong ito.

Kung buhay pa sana noon si Woolf at kung siya ay isang internasyunalista sa kanyang naratibo ng stream of consciousness o ang walang tigil na pagdaloy ng mga eksena ng buhay sa kanyang kamalayan—maaari niya marahil isanobela ang pag-iibigang ‘yon nina Peps at ng nars na Pinay. O maaari ring isulat ni Orwell ang romansa at pag-ibig ng dalawang Asyano sa panahong nagsisimula nang maging migrante ang mga kayumanggi at dilaw sa kalunsuran ng United Kingdom.

Inspirado sa kanyang trabaho at negosyo si Peps nang dahil sa pag-ibig.

May tamis ang kaway ng London, may mahika ang yakap nito.

Mananatili ba siya rito sa kabila ng kanyang nasyunalismo? (Itutuloy)

Unang Yugto

Ikalawang Yugto

Ikaapat na Yugto

 

English

Part One

Part Two

Part Three

Part Four

 

PHOTOS

1)      Peps Villanueva at mga Filipino nurses

2)      Peps Villanueva kasama si Gerald Santos

3)      Peps Villanueva kasama si Gia Macuja

4)      Peps Villanueva kasama si Grace Poe

5)      Peps Villanueva kasama si Gretchen Barretto

6)      Peps Villanueva at ang International Olympic Committee

7)      Peps Villanueva

8)      Peps Villanueva kasama si Janella Salvador

9)      Peps Villanueva kasama si Janella Salvador

10)    Peps Villanueva kasama ang JBK

Share this article