What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Ang muling pagkatok ng pag-ibig sa puso ng Pinay sa Belgium

Ikatlong Bahagi

 

Pagkatapos ng kanyang kalbaryong buhay-emosyunal (bagamat malaya siya sa iba pa namang bagay) sa pag-aalaga sa sikat na motocross racer na si Hans Kinigadner na ngayon ay lumpo na dahil sa kinasangkutang aksidente sa paligsahan sa pagsakay at pagpapatakbo ng motor sa racetrack ng Austria at iba pang international racing circuit, naging waitress naman si Melysa Aldiano sa isang sikat na restoran sa lugar na kung tawagin ay Saalbach-Ginterglemm sa Salzbury, isang bulubunduking bayan sa bansang ‘yon..

“Kilala kasi ang Salzbury sa mga skiing village at mga bayan na bakasyunan kaya malakas na malakas ang restoran namin,” pahayag Melysa sa isang panayam sa online.

Ipinaalala ni Aldiano na malaki ang partisipasyon ng Salzbury sa kultural na buhay ng mga Austrian.

Hindi nga ba’t ito ang lugar na pinangyarihan ng istorya ng pelikulang “The Sound of Music” na pinangunahan nina Julie Andrews at Christopher Plummer noong 1965?

Kahit sa totoong buhay, ang Salzbury ang lugar ng naratibo ayon sa memoir na “The Story of the Trapp Family Singers.” Ang kuwento ay tungkol sa pagkuha ng isang balo at retiradong opisyal ng navy sa Austria (ginampanan ni Plummer) sa isang postulant o nagmamadre (binigyang-buhay ni Andrews) para turuan ng musika ang kanyang pitong anak. Sa panahon ng pagtigil ng postulant sa bahay ng sundalo ay nabuo ang kanilang pagmamahalan na kinalaunan ay nagtuloy sa kasalan.

Matatandaan din, sa pagpapaala ni Melysa na ang Salzbury ay ang lugar ng kapanganakan ng pamosong klasikong piyanista sa buong mundo na si Wolfgang Amadeus Mozart.

Minsan, sa libreng araw ni Aldiano sa trabaho ay naisipan niyang mag-disco kasama ang ilang kaibigan.

Dito niya nakilala ang lalaking magiging ama ng kanyang anak na si Daniel. “Nagbabakasyon si Davy noon sa Salzbury. Nag-i-ski rin siya roon kaya nagkakilala kami sa disco. Mahilig kasing magbakasyon ang mga tao roon ng isa o dalawa o tatlong buwan para mag-ski o kaya naman ay magmasid sa magagandang tanawin,” kuwento ni Melysa.

Doon nagsimula ang kanilang romansa. Belgian si Davy pero madalas nga siya sa Austria. Nabighani siya sa kagandahan at pagkatao ni Melysa at ang babae naman ay nahalina rin sa katauhan ni Davy.

 

Tatlong taong nanirahan at nagtrabaho sa bayan ng Tyrol sa Austria Filipina at anim na taon naman sa Salzbury.

Nang mga panahong ‘yon ay nagpapadala na si Melsya ng pinansyal na suporta sa kanyang pamilya sa Pilipinas para lalo na sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid.

Bagamat balantukan pa ang sugat sa kanyang puso at may hadpi pa ang kanyang dunong nang dahil sa mapait na naranasan niya kay Hans, paminsan-minsan pa rin na umaahon ang lungkot at dismaya sa buhay ni Melysa lalo na nang maulinigan niya ang tunay na sentimiyento ng kanyang ama kaugnay sa pag-alis niya sa pagkandila at pagtatrabaho kay Kinigadner. “Alam mop o ba, kausap ko no’n sa telepono ang nanay ko, kinig na kinig ko sa background, ang sabi ng tatay ko na dapat ay hindi ako umalis kina Hans.

“Dapat daw ay pinakisamahan ko at pinatulan. Ibig sabihin noon, pinakasalan para sa isip niya ay masuportahan kami. Grabe, di ba? Parang ipinagduduldulan niya ako kay Hans na hindi ko naman gusto. Hindi man lang niya iginalang ang aking damdamin. Para siyang bugaw,” pagbabalik-tanaw ni Aldiano.

Bigla na lang, naalala ni Melysa na siya ay nasa Austria, nasa Europa para sa isang misyon. “Hindi ko naman plinano ito. Bigla na lang siyang dumating. Nakapagbuo ako ng buhay sa Europa. Sa palagay ko, mas itinuro sa akin ang mas mataas na kahulugan ng buhay para sa paglilingkod sa tao. ‘Yon ang parang misyon ko rito,” wika niya.

Ang pag-ibig naman ay binigyan niya ng pagkakataon para sa kanyang pansariling kaligayahan.

Kaya nagpakasal siya kay Davy at nagmuhay sila sa Belgium.

Doon niya ipinanganak si Daniel noong 2008.

 

Nagmahalan sila nang wagas ni Davy. Bumuo ng pamilya at nagsalo sa hirap at ginhawa bagamat mas maalwan ang buhay sa Europa kahit mahal ang pamumuhay kaysa naman sa mga bansang nasa Ikatlong Daigdig tulad ng Pilipinas.

Noong 2009, nang lumalaki na si Daniel, nagtrahabo si Melysa sa isang amusement park sa Belgium. Matagumpay ang pang-i-engganyo niya sa mga panauhin ng parke sa buong ng sampung taon.

Lahat ay ginawa ni Melysa para sa kanyang pamilya, sa kanyang mag-ama at sa kanyang mag-anak sa Pilipinas bagamat nammilegro na ang paghihiwalay ng kanyang ama at ina.

Samantala, nang nasa Belgium na si Melysa ay dalawang taon ang kanyang ginugol sa pag-aaral bilang preparasyon sa mga mapaghamong buhay na nakalaan para sa kanya sa bagong lipunan at bansa.

“Nag-aral ako ng Dutch at mga basic languages like French and Spanish. Kailangan kong matuto ng Dutch dahil ito ang lengguwahe namin. Tapos, nag-aral din ako ng mga administrative jobs, basic marketing at pagmamasahe,” kuwento ni Melysa. Maiikling edukasyon na sapat para mabigyan ang kanyang sarili ng matitinding sanligan ng buhay-trabaho sa Belgium.

Hanggang umabot sila ni Davy sa pagsubok sa kanilang relasyon. “Davy became depressed of whatever. Nagkaroon kami ng problema hanggang sa maghiwalay kami.

“Parang nawala na kami ng pagmamahal sa isa’t isa. Para ke pa. Imbes na magdusa kami, napagkasunduan naming maghiwalay pero magkaibigan pa rin kami.

“2013, nag-divorce kami ni Davy na maluwag sa aming mga damdamin. Walang third party. Bastat naramdaman naming hindi na kami. Limang taon kaming kasal ni Davy pero nagsama kami sa loob ng siyam na taon.

“Mahaba rin na pagsasama ‘yon at marami kaming natutunan sa isa’t isa.” Pagsasalaysay ni Melysa.

Nang taon ding ‘yon ay nakilala naman niya sa panahon na hiwalay na sila ni Davy ang isang kapareha sa sayaw, si Marc. “Nakilala ko naman si Marc sa Salsa Latin lessons,” pahayag ni Melysa.

Namukadkad ang ugnayang ‘yon nina Marc at Melysa. Ang kanilang romansa ay nagbunga ng isang maganda at karinyosang supling, si Aurora-Victoria na ngayon ay munting anghel ng pamilya.

Kasama nina Melysa, Marc at Aurora-Victoria si Daniel.

“Magkakaiba ang mga karanasan ko sa pag-ibig. Sa aking palagay, may mga liwanag na tumatanglaw sa akin para sa daraanan ko at ‘yon ang maganda dahil natututo ako sa mga aral ng nakaraan,” wika ni Aldiano.

Aminado siya, iba rin ang kanyang relasyon kay Marc at nagpapasalamat naman siya sa walong taon nilang pagsasama at sila’y nagbibilang pa.

Paano ngayon susulatin ni Melysa ang iba pang naratibo ng kanyang buhay na hindi pa niya nailalaman sa kanyang unang aklat na “She’s Magic, Too” at “She’s Magic Always”? (Itutuloy)

UNANG YUGTO

IKALAWANG YUGTO

 

ENGLISH VERSION

PART ONE

PART TWO

PART THREE

 

Share this article