What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Ang klase ng pagnininong at pagnininang sa Pilipinas, bow!

 

 

Nang high profile ako bilang entertainment broadcast journalist sa “Star News” ng “TV Patrol” ng ABS-CBN, ang dami-daming kumukuha sa akin bilang ninong sa binyag ng kani-kanilang anak. Araw-araw kasi akong naririnig sa Voice-Over (VO) ng aking report at may pangalan pa ako sa chargen (character generation) ng TV screen kaya tumataginting ang aking screen name na Boy Villasanta.

            Pati ang cameraman kong si Ronnie Blaza na hindi pa nga nanganganak ang misis ay kinokomisyon at sinasabihan na akong ako ang magnininog sa kanyang magiging anak. Nang lumipat ako sa “Action 9” ng Radio Philippines Network (RPN) Channel 9 (na ngayon ay nasa pangalan ng CNN Philippines), gayundin. Maraming nagpapasabi na gagawin nila akong kumpare sa binyag o kasal. Umaalingawngaw din ang aking pangalan sa himpapawid araw-araw.

Ako naman, kahit magastos ang pagnininong, okay lang. Mailalaan ko naman ang kahit maliit lang ang pakimkim. Akala kaya nila ay napakalaki ng kinikita ko noon—bagamat kung nagtagal ako sa ABS-CBN ay mas malamang kaysa hindi, ang dami kong pera dahil malaki ang suweldo ko at sikat na sikat ako pero pinili kong magtayo ng teatro sa probinsiya. Milyones din ang sinunog ko sa pagtatayo ng theater group sa Quezon Province at hindi na ito bumalik sa akin dahil wala akong marketing na magtitinda ng mga dula na ipinalalabas namin doon.

Pero nang wala na ako sa ere, hindi na ako naririnig at napapanood sa telebisyon, wala nang kumukuha sa aking magninong.

Iniisip ko rin na kahit bading ako, kung sikat naman ako ay kukunin din nila akong ninong. O kaya naman ay nagkapera ako nang limpak-limpak at ang iniisip ng magpapahawak sa akin sa kasal, binyag o kumpil ay ang yaman-yaman ko at yayaman din ang mga anak nila kinalaunan dahil kundi man maimpluwensiya ay mayaman naman ang kanilang ninong na gugustuhin ng mga kumare at kumpare ko na gagayahin ng mga anak nila.

Gayunman, mas naiisip ko na mas maganda sana kung ang intensyon ng mga magulang ay ang magagandang katangian o ugali ng isang tao para kuning ninong o ninang para sa kanilang mga supling na para maging modelo. Hindi dahil sa may datung o sikat o makapangyarihan o maimpluwensiya ang tinatanaw o gustong maging ninong o ninang.  

Bakit nga kaya pag high profile ang isang tao, halimbawa’y mga artista sa pelikula o mga personalidad sa telebisyon, nagkakandarapa ang nais magkipagkumare at kumpare sa kanila?

Sina Noli de Castro, Korina Sanchez at iba pa, nakakarating kahit sa Lucena City sa Quezon Province para magninong at magninang sa kasal. Buhay pa noon ang movie scribe na si Eli Formaran, mas kilala sa tawag na Mommy Eli na malapit sa mga taga-ABS-CBN. Kaanak ni Formaran ang ikinasal. Humugos noon ang daming taga-News and Current Affairs ng Star Network.

Nang binyagan ang anak-anakan noon ng sumakabilang-buhay nang peryodistang pampelikula na si Gil E. Villasana, mga sikat ang kanyang kumare’t kumpare kabilang sina Herbert Bautista at Vilma Santos.

Si Angelique Lazo, kinuha ko ring ninang sa kasal ng pamangkin kong lalaki dahil nakiusap sa akin ang panganay kong kapatid na babae—ina ng groom—na kunin ko siyang ninang. Walang kagatul-gatol si Angelique na pumayag.

May dating kasi kung popular ang ninang o ninong. Sikat ka pag ang mga ito ang mamanuhan mo. Maipagmamalaki sa iba na ang nakuhang sponsor ay pamoso. Koneksyon o networking din ang pagpapaninong at ninang sa kanila.

Kung pulitiko naman ang ninong o ninang, aba’y mas matindi dahil maaaring makatulong sa kung anuman ang problema ng inaanak. Pero gano’n din naman. Halimbawa’y si Nora Aunor o si Piolo Pascual ang ninang o ninong mo. Kung anuman ang magagawa ng mga ito sa kanilang hinawakan, maaaring maipagkaloob. Hindi nga ba’t kasabihan sa Pilipinas o sa impluwensiya ng Kanluraning kultura at tradisyon, ang ninong o ninang ang ikalawang ama o ina ng isang bata na hinawakan sa kumpil, binyag o kasal?

Marami rin naman na kumukuha o pumipili sa ninong o ninang nang dahil sa natapos na kurso o propesyon ng isang tao kahit hindi sikat. Ito ay dahil nais ng magpapaninong o ninang na makawangis o makapares ng kanilang anak ang narating ng mga sponsor sa buhay. Halimbawa’y maraming kumukuha sa isang doktor o inhenyero o arkitekto at iba pang propesyunal para humawak sa anumang rite of passage o anumang selebrasyon na may tumatayong kinatawan ng pagtataguyod sa mga kasangkot sa mga ito.

May nagnininong at nagnininang din naman na hindi na nga sikat ay simple lang ang buhay o tahasang walang pera. ‘Ika nga ay ibinabagay sa istasyon o kalagayan sa buhay ng mga kumare at kumpare.

Kung matagal nang barkada ng ina o ama ang napupusuang ninong o ninang—kahit na kuwestyunable ang karakter o wala namang nakikitaang maaasahan para isuporta sa inaanak kung magkaroon ng problema, okay lang naman ito sa poder ng may pagdiriwang. Puwede naman kasi ang inspirasyunal na mga salita o kaya ay gawa na maaaring maging ehemplo ng inaanak. O kaya naman ay bastat mabait ang ninong o ninang sa bata, pahalik-halik o pabigay-bigay ng kendi o anumang pasalubong, pasable na ang walang binesa o walang dating.

Pero hindi matatawaran ang desisyon ng ama o ina sa pagkuha ng kanilang mare at pare. Ang angking pagkiling sa isang taong napupusuan ay isang batayan ng pagkuha sa nong at nang. Nanggagaling sa puso at isip ng isang tatay o nana yang kanyang pasya sa kung sino ang magsisindi o hahawak ng kandila sa okasyon.

Kung magkaproblema nga, madali silang magkasaulian ng kandila, ‘ika nga.

Water seeks its own level din ang desisyon sa pagnininong at pagnininang. May mga nagpapakasal o nagpapakumpil o nagpapabinyag o nagpapabasbas ng anumang bagong tayong bagay gusali, upisina, libro o anumang institusyon na ang kinukuhang sponsor ay ang ka-level din nila. Ang isang negosyante, pipiliin ang kapwa negosyante para sa pagpapanatili ng kanilang status quo. Ang isang kapartido sa pulitika ay kukuha ng kasama sa paniniwala o galamay ng impluwensiya para mapanatili ang naghaharing-uri. Antimano, ang isang nasa baryo ay mas kukunin ang kababaryo.

Gayunman, may mga nangangarap din na ang pagpapaninong at ninang ng isang dukha sa isang may kaya ay pamamag-asa sa kulturang iniaasa ang suwerte sa basbas ng nakaaangat sa buhay kahiman at ito ay malabo at walang katiyakan.

Maligayang Pasko, ninong at ninang!      

Share this article