What's Up

http://filcaspro.com/storage/whats-on/October2018/pZgl211cJkswEuAe6RTP.jpg

Ang halina ng aral ng mass media sa Pilipinas o ang kaway ng Big Ben sa London: Isang hamon kay Peps Villanueva

 

Ikaapat na Bahagi

Pagkatapos ng humigit-kumulang sa isang taon na pagtatrabaho at pag-aasikaso ng negosyo ng pamilya Villanueva sa London at pagkatapos niyang makatagpo ang kanyang Mrs. (Dalloway) Villanueva sa persona ng isang Pinay nars, nagbalik si Jose Villanueva sa Pilipinas. Ang desisyong ito ay masinsinang pinag-usapan ng mag-asawa at maluwag, matapat sa puso ng bawat isa ang pagpapasyang ‘yon ng pansamantalang paghihiwalay.

Kinalimutan muna niya alalaumbaga’y nabingi sa pagpitik ng mga kamay ni Big Ben at nakinig nang mahinusay sa mga kalembang ng kampanilya sa España at Dapitan at Governor Forbes.

Nagpasya si Peps—palayaw ni Jose—na ituloy ang kanyang pag-aaral, ang naunsiyami niyang pagpapakadalubhasa sa Economics sa undergrad.

Malugod at buong puso naman siyang tinanggap muli ng Faculty of Arts and Letters ng University of Santo Tomas. Nagpatala siya sa ikaapat na taon ng kanyang pag-aaral ng Eco. Muli niyang isinuot ang unipormeng itim o madilim na kulay ng pantalon at puting polo shirt.

Nandoon at kasama niya ang iba pang mga lider-estudyante ng Artlets kabilang si Joey Lina na itinuloy rin ang kanyang Eco.

Pero imbes na sa kanyang mga klase sa Eco, sa klase ng Mass Communication dumalo si Peps. Nagtaka nga ang maraming mag-aaral ng Mass Com sa rikotitos ng kanilang saling-pusang kamag-aaral. Pati ang isa sa mga propesora ng kursong ito, si Nanette Franco Diyco ay nabigla bagamat pinabayaan na lamang niya ang pagasama ni Peps sa kanilang aralin sa mass media.

“Mas gusto ko kasi sa Mass Com,” pagtatapat ni Villanueva.

Kakaunti pa ang paaralan na nagbibigay ng kusrong ito. Parang pinagpala o piling-pili ang mga nakakapasa sa entrance exams ng Mass Com kahit na saan kahit sa UP o sa St. Paul’s College sa Maynila. Glamoroso ang tingin ng taumbayan sa isang Mass Com student. Na ang pupuntahan ay telebisyon, radyo o pelikula. Pero puwede ring advertising o paggawa ng mga komersyal sa TV o sa print o sa billboard ads.

Naaalala ng estudyanteng promdi mula sa Lalawigan ng Quezon na noon ay nasa ikaapat na taon na rin ang mga kasama ni Peps sa kursong ito—may Langley Yatco, isang kilalang personalidad sa kampus na laging tsampiyon sa debate o pagbibigay-interpretasyon sa mg piyesang nakasulat gaya ng tula, maikling kuwento, talumpati, sanaysay at iba pang piraso ng panitikan; Maritess Fernandez at Angie Bajarias, kapwa maririkit na dilag na pam-beauty contest ang kagandahan; Joselito Tolentino, kilala ngayon sa daigdig ng advertising and promotion (adprom) bilang Toots Tolentino, ang dakilang tagapaghawan ng landas ng kalayaan ng kabadingan sa paaralan; Dan Villa, anak ng nasirang peryodistang si Rod Villa; Dennis Chua, campus crush daw, sabi ng peryodistang pampelikulang si Danilo T. Vibas, kilala rin sa tawag na Danny T. Vibas na kumukuha ng mga panahong ‘yon ng Journalism kung siya ang nagtapos ng cum laude sa kanilang klase.

Nagbabalik din ang alaala ng promdi student sa pag-aakalang si Sandra Castro—ngayon ay maybahay o esposa ng isang Puno—ay ka-batch nina Langley pero ‘yon pala’y ang mga bating na manunulat na sina Rina Jimenez-David, Pennie Azarcon, Jess Obra, Ed Santiago, ang namayapa nang si Ike Tupaz at iba pa. Parang gusto nga niyang sabihing ang manunulat sa palakasan ng The Varsitarian na si Jones Campos ay kapanabayan din nila pero kung saan-saan ito nando’n kaklase rin ng promdi student at ni Danny at ni Jose sa iba pang asignatura.

Oo, usung-uso pa rin noon ang kulturang Hippie, ang Flower People at iba pang Make Love Not War na kampanya.

Mahaba rin ang buhok ni Peps ng mga panahong ‘yon. “Pare-pareho kami nina Langley no’n, mahahabang buhok,” pagbabalik-tanaw ni Villanueva.

Kahit hindi opisyal na kalista sa Mass Com, kasama rin si Peps sa lahat ng mga ekstra-kurikular na mga gawain ng klase. Tandang-tanda ng estudyanteng promdi ang pagsali nina Langley sa Drama Festival ng Artlets kung saan nakipagtunggali ang kanilang grupo sa iba pang seksyon ng kolehiyo. Ang mga taga-Literature ay nakisali rin sa pamamagitan ng dulang “Ang Puting Tinamamanukin,” isang klasiko nang ekspresyunista at surtalistang may pagka-theater of the absurd na obra maestra ni Paul Dumol sa pakikipagtulungan at kolabrasyon ni Gil Quito. Ang estudyanteng promdi ay gumanap sa isang mahalagang papel sa dula-dulaan na idinirek ni Joey Arrogante, ang namayapang Dr. Jose Arrogante na manunulat, awtor, propesor, nobelista at mandudula. Tampok sa mapanlikhang koponan ng grupo ang iba pang Lit majors tulad nina Elena Go, Belen Allen, Susan Bonifacio, Junette Soriano, Nenita Alacar, Marilyn Adolfo, Juliet Bautista, Josephine Blanco at ilan pa.

Nang ipahayag na ng lupon ng inampalan, ang Artlets Literary Society ang nagwagi. Laking gulat ng promdi student at ng kanyang mga kaklase.

Mabibilang lang sa mga daliri sa kamay at paa ang mga Lit majors at karaniwang tahimik lang sa isang sulok.

Ang buhay ay isang malaking entablado, ‘ika nga at may sanligan nito ang promdi student at sa kanyang hinuha ay alam din ito ni Peps—na ang mga nilikha ay may kanya-kanyang papel na ginagampanan sa malawak na palaruang ito ng tunay at hinabi lamang sa imahinasyong buhay.

Sumapit ang araw ng pagtatapos. Wala sa opisyal na listahan si Peps at ang promdi student. “Paano ako makakasama sa graduation, e, sa Mass Com ako pumapasok. Wala akong pinasukan na Economics,” natatawa niyang pahayag.

Ang promdi student naman mula sa Quezon ay kailangang kumpletuhin pa ang kanyang mga asignatura sa mas mababang antas dahil sa kakulangan ng kanyang yunit na dala ng kanyang pagbagsak sa dalawa o tatlong kurso. Nasa bingit na nga siya ng pagpapatalsik sa kanya sa kolehiyo bagamat nagawan ng paraan upang makapagtapos siya sa Oktubre ng 1975. Habang nagsa-summer siya ay nagsusulat na siya ng mga tula at maiikling kuwento sa Filipino at sa Ingles na kanyang isinusulit sa mga pahayagan at magasin.

Si Peps naman ay naisabuhay ang kanyang mga natutunan sa pagsasaling-pusa sa Mass Com sa pamamagitan ng kanyang aplikasyon sa mga ad agency. Mas tinaluntun ng mga Mass Com majors sa karamihan ang ad world.

Isang araw, sinabihan ni Langley si Peps na mag-apply sa AMA Communications dahil empleyado na siya ng kumpanyang ito. Sumama kay Peps si Dan Villa at ilan pang Mass Com graduate tulad ni Dennis Chua.

Maituturing na drop-out si Peps dahil wala naman siyang diploma pero lakas ng loob at lalinto ang kanyang kalasag sa pagtugpa sa totoong trabaho ng patalastas.

“Pinag-apply kami ni Langley no’n sa AMA Communications. Kasi, empleyado na siya no’n do’n. Sama-sama kami nina Dan Villa. Tapos, sa isang kuwarto, pinasulat kami ng sample ng puwede naming gawin. Sinabi ng nagpapa-exam na puwede naming dalhin sa bahay ang isusulat naming,” salaysay ni Peps.

“’Yong ibang aplikante, gano’n ang ginawa. Ako, nagpaiwan ako. Kasama ko pa rin no’n si Langley. Sabi ng staff na puwede naman. Nang matapos ako, ipinakita ang sinulat ko sa presidente ng kumpanya, si Antonio de Joya, Jr.,” wika pa niya na ang tinutukoy ay si de Joya na itinuturing na Dekano ng Philippine Advertising.

Nang lumabas na ang kawaksi ng presidente, nakasulat sa papel ni Peps ang “this is it.”

Noon din ay kinupkop ni de Joya si Peps at hinayaang alpasan nito ang kanyang nagpupumiglas na talento sa pagsulat ng kopya at iba pang pangangailangan sa pagbebenta ng produkto at serbisyo.

Sa pagsisimula sa AMA, tinalunton din ni Villanueva ang iba pang malalaki at bigating kumpanya tulad ng Asia Communication Center, Ace-Compton at J. Walter Thompson. Pinasikat niya at pinalakas ang mga produktong Pepsi, Mirinda Orange at marami pang iba.

Inugit din ni Peps ang kasaysayan ng patalastas sa Pilipinas sa iba’t ibang plataporma.

Nanatili siya sa Pilipinas sa gitna hanggang huling bahagi ng 1970s at hanggang sab ago sumapit ang 1990s para gampanan ang kanyang bisyon sa mass media at sa pulitika na kanyang sinalamisim noon habang nakikipagtalik sa kanyang mga musa. (Itutuloy)

Unang Yugto

Ikalawang Yugto

Ikatlong Yugto

 

English Version

Part One

Part Two

Part Three

Part Four

 

PHOTOS

1)      Peps Villanueva at si Joey Salceda

2)      Peps Villanueva at si Juan Miguel Salvador

3)      Peps Villanueva at si Julia Barretto

4)      Peps Villanueva at si Lani Misalucha

5)      Peps Villanueva at si Lito Lapid

6)      Peps Villanueva at si Liza Macuja

7)      Peps Villanueva at si Loren Legarda

8)      Peps Villanueva at si Louisa Johnson

9)      Peps Villanueva at si Lucy Torres

10)    Peps Villanueva at si Margie Moran

11)      Peps Villanueva at si Mon Jimenez

12)    Peps Villanueva at si Rachel Ann Go

Share this article